Ang "Ang Saya ng May Kakampi!" ay bunga ng sama-samang paglikha at pagbabahagı ng mga ideya, karanasan, at pananaw ng mga bata at kabataang nakilahok sa isang malikhaing konsultasyon na isinagawa bilang bahagi ng mga adbokasiya ng Project PRIDE.
Ang Project PRIDE ay isang tatlong taong proyekto ng Babaylanes, Save the Children Philippines, at FRI Norway na naglalayong itaguyod ang mga karapatan, proteksyon, at kapakanan ng mga bata at kabataang may magkakaibang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC). Nakatuon ang proyekto sa pagsusulong ng mga inklusibong polisiya at pagpapabuti ng akses sa mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan upang makabuo ng mas ligtas at suportadong kapaligiran kung saan ang bawat bata ay malayang makilahok at umunlad.
Bilang bahagi ng mga planong pang-adbokasiya ng proyekto, tinipon ang mga bata at kabataan upang makibahagi sa pagbuo ng isang aklat na nagpapakita, sa paraang malapit sa kanilang karanasan, kung ano ang ibig sabihin ng pagiging mabuting kaibigan at kakampi. Mula sa pakikinig at pag-unawa hanggang sa pagtanggap at pagdamay, binibigyang-buhay ng mga kuwento ang mga simpleng paraan ng pagpapakita ng malasakit sa kapwa.
Higit sa pagiging isang aklat pambata, ang Ang Saya ng May Kakampi! ay sumasalamin sa paniniwalang mahalagang pakinggan at bigyang-halaga ang boses ng mga bata at kabataan sa paglikha ng mga materyal na para sa kanila at sa kanilang kapwa.